Tertulyang Panitikan ’23, matagumpay na ipinagdiwang


Idinaos ng Ifugao State University (IFSU) ang taunang selebrasyon ng tertulya ng panitikan na may temang “Kultura ng Pagkakaisa: Pagsisiyasat ng Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Panitikan” noong Abril 27, 2023.

Layunin ng aktibidad na bigyang importansyavang panitikan na nakalimbag sa iba't ibang wika sa Pilipinas upang linangin ang kaisipan at damdamin ng mga susunod na henerasyon. Ito ay alinsunod sa proklamasyon Blg. 968 s. 2015 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng IFSU ang nag-organisa ng aktibidad sa pakikipag-ugnayan sa KWF. Ang temang "Pagsisiyasat ng Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Panitikan" ay naghihikayat sa mga Pilipino na gamitin ang panitikan upang magkaisa at magtulungan sa pagtahak sa iisang layunin at tuklasin ang mga magagandang bagay sa pagkakaiba-iba bilang mga Pilipino.

Binigyan din ng diin ang kahalagahan ng pagbibigay pansin sa kultura ng Ifugao na dapat siyasatin at pag-aralan upang mas pagyabungin pa ang Panitikang Ifugao. Ang pagtitipon ay dinaluhan ng Bise Presidente ng Gawaing Pang-akademiko (Vice President for Academic Affairs) Dr. Mary Caclini, na nagbalik-tanaw sa mga katutubong awit, maikling kwento, at iba pang panitikang binibigkas ng ating mga ninuno.

Sa panahon ng globalisasyon, ang layunin ng IFSU ay matamo ang pagkakakilanlan sa buong mundo, ngunit hindi dapat kalimutan ang napakayamang kulturang pamana na nagsisilbing pagkakakilala sa mga Pilipino.

Nagbigay din ng kani-kanilang mensahe ang mga mahahalagang indibidwal ng KWF sa pangunguna ng kanilang Tagapangulo na si Dr. Arthur P. Casanova.

Sulat at litrato ni Jessa Erejedor