Hudhud, tampok sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika

Bilang pagsasabuhay sa vision ng Ifugao State University (IFSU) na maging sentro ng kahusayan sa isang mayaman na kultura, itinampok ang mga pangkultura na pagtatanghal at patimpalak sa pagdaraos ng pampinid na programa sa Buwan ng Wika noong Agosto 31, 2018.

Isa sa mga pangkultura na itinanghal ay isang teatro na uminog sa alamat ng Ambuaya Lake sa Kiangan, Ifugao.

Naging sentro ng aktibidad ang pag-awit ng Hudhud ni Dulnuan na sinalihan ng ibat-ibang kolehiyo sa Main Campus, Nayon, Lamut, Ifugao.

Sa katunayan, nabuo ang IFSU Hudhud Singers mula sa ibat-ibang kolehiyo bilang isang bunga ng Buwan ng Wika.

Ayon kay Mary Lydia M. De Castro, Direktor ng Socio-Cultural Affairs, ang tema ng Hudhud ay tungkol sa paglalakbay ni Dulnuan patungo sa uya-uy ni Indagami na isa sa mga prestihyosong ritual para sa mga tradisyunal na mayayaman sa Ifugao.

Dagdag pa ni Direktor De Castro na, “Ang Hudhud ay kinilala na isang “oral at intangible na masterpiece of humanity” na dineklara ng United Nations Education Scientific and Cultural Organization.”

“Ang Hudhud ay mayroong humigit sa 200 na chants na nahati-hati sa 40 na episodes. Ang kumpletong pag-recite ay puwedeng aabot ng tatlong araw at mahigit pa. Ang moda ng paglilipat ng kaalaman sa Hudhud ay mula sa mga traditional elder tungo sa mga bata. Walang mga libro o nakasulat noon na Hudhud,” ani pa ni De Castro.

Payo niya sa mga kabataan at sa lahat na bigyang halaga ang Hudhud sapagkat ito ay isang porma ng sining at panitikan na kapupulutan ng mga aral. Higit sa lahat ito ay identidad bilang isang katutubong Ifugao.#

E.A. Dinamling



keep2porn.net