Guro ng IFSU, itinanghal na uliran

Inanunsyo ni Dr. Leudane L. Lonez, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng Ifugao State University (IFSU) ang pagiging finalist ni Ginang Hilda Imangdul mula sa Kolehiyo ng Edukasyon sa IFSU Potia Campus sa isinagawang pagpipili para sa mga Ulirang Guro sa Filipino.

Ang pagpipili ay isinagawa ng Komisyon ng Wikang Filipino na sinalihan ng 154 na aplikante. Sa dalawang ginanap na shortlisting, kabilang si Gng. Imangdul sa 12 guro na napili.

“Ikinagagalak ng buong pamilya ng IFSU ang pagiging national finalist ni Gng. Imangdul bilang isang Ulirang Guro. Patunay ito na ang mga guro sa IFSU ay may kakayahan na sumali sa mga ganitong pagpipili,” pahayag ni Dr. Lonez.

Binigyang-diin ni Dr. Lonez na ang Agosto ay Buwan ng Wika na may temang Filipino: Wika ng Saliksik.
Ayon sa kanya, “Ang Wikang Filipino ay hindi lamang nagagamit sa mga aspeto ng buhay. Nagagamit din ang Wikang Filipino bilang wika ng saliksik.”

Mariing hinihikayat ni Dr. Lonez ang buong IFSU na makiisa at makibahagi sa pagdiriwang sa Buwan ng Wika ngayong Agosto. Dagdag pa niya na bigyang halaga ang paggamit ng Wikang Filipino.

“Ngayong Buwang ng Wika, sana ay gamitin ang Filipino sa ating mga anunsyo, talakayan, pag-uusap at mismo sa ating mga panalangin,” panghuling pahayag ni Dr. Lonez.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.